BALANG ARAW
Madilim
Malamig
Umuulan
Tanging kulog at kidlat lang ang naririnig at namamalayan
Kumukulog, sumisigaw na tila ba gustong manuluyan
Ngunit ewan ko ba't puro sarado lahat ang mga kabahayan
Na akala mo mga tainga na walang balak na ako'y pakinggan
Kaya't ang malakas na dagundong ng aking dibdib ay unti-unting naging kidlat
Kidlat na patulo'y sa pagguhit sa puso kong tumitibok dahil sa takot
Takot na baka maulit muli
Takot na baka maulit na naman
Takot na baka di ko na kayanin
Takot na baka ako'y mapraning
Na sa bawat yabag, lagabog, dagundong na parang may papalapit
Ako'y agad ng nangangatal, naninigas at nanlalagkit
Di makagalaw na tila nadikit na sa pwesto't di makaalis
Sa takot, sa pangamba sa tuwing ika'y nasa malapit
Di malaman ang gagawin kung paano pa tatakasan ang walanghiyang karanasan
Na dinulot mo
Na nananatiling nasa ala-ala ko
Na hinihiling kong sana'y makalimutan ko
Ngunit hindi... Hindi magawa ng sarili kong limutin ng ganon kadali, alisin lahat ng takot at muling mamuhay ng normal
Na parang walang nangyari
Na parang wala kang ginawa
Pinipilit ko naman! Pinipilit kong gamutin ang sarili ko at kumilos ng nasa ayos
Yung hindi halata
Yung tulad ng dati
Malakasang tawa, masayang mata, masiglang enerhiya kada umaga
Pero di ko talaga magawa!
Nananatili ang kulog at kidlat sa puso ko na tila pinatawan ng habang-buhay na pagkakakulong ang sarili ko't hindi ako makalaya!
Hindi ako makalaya sa pait ng nakaraan!
Hindi ko magawang magsimula muli't magpatuloy sa buhay
Na tila sumasabay sa patak ng ulan ang mga luha kong sana naman ay maintindihan
Na ang bawat araw ay tila pa rin gabi
Na parang dilim na kailangan lagi ng liwanag
Na parang buwan na kailangan lagi ng araw
Na parang halaman na kailangan lagi ng tubig
Na parang kandila na kailangan ng sindihan
Sapagkat nagdidilim...
Nagdidilim na ang buhay na dati'y puno ng kaliwanagan
Na dati'y maliwanag pa sa sinag ng araw dahil lahat ng kapamilya ay nariyan para siya'y damayan
Kaya't pakiusap... Huwag mo ng dagdagan!
Huwag mo ng dagdagan ang bigat, hapdi, sakit ng puso kong napreso na sa kulungan...
Na napatawan ng habang-buhay na pagkakakulong.....
Na walang dumadalaw
Walang nakakaalala para mangamusta
Walang nagtatiyagang makinig ng mga litanya
Ganyan naman yan sila, makakaalala lang pag may kailangan sayo o napilitan pa
Kaya hayaan mo na...
Ganyan talaga ang mundo..
Kaya bumangon ka.
Tanging sarili mo lang ang kakampi mo.
Kaya kahit na masakit, BUMANGON KA!
KUMAWALA KA NA SA MGA KADENANG NAKATALI SAYO!
Manalig ka na balang araw sayo ay magpapiyansa
Umasa ka na balang araw may mag-aalis ng kadena
Na papalayain ka sa lahat ng iyong dinadala't- inaalala
Balang araw... Balang araw....
Wag kang mag-alala...
Di magtatagal ay makakalaya ka.

No comments:
Post a Comment